Thursday, August 27, 2009

Handog para sa Aming Mahal na Patron na si San Francisco ng Assisi




Here's my first ever post in Filipino... so excited to launch and discuss this Talumpati to Grade school students. Good Luck, kids!

Isang Panawagan para sa Inang Kalikasan

Sa diwang Pransiskano, hayaan ninyong ako’y bumati: Kapayapaan at mabuting gawa!

Marahil batid nating lahat na iginuhit ng Panginoong Dakila na si San Francisco’y maging pintakasi ng mga taga-Meycauayan. Kung kaya’t taon-taon siya’y ipinagbubunyi’t inaala-alang lubos. Ipinagdiriwang ang buhay n’yang sadyang banal at huwaran.

Galing sa isang mayamang angkan doon sa Assisi, isang maliit na bayan sa Pransya, sumibol si Giovanni Francesco Bernardone. Tinalikuran ang ningning ng yaman at kasikatan, si Francisco’y yumakap sa karalitaan at abang pamumuhay upang sundin ang kalooban ng Maykapal.

Sa kanyang pamumuhay at mga aral, napatunayan n’yang ang mga nilikha ng Diyos ay nararapat lamang na ituring bilang kapamilya at sadyang isapuso ang pagkalinga sa mga ito. Subalit ang masaklap at nakagigimbal na katotohanan ang s’yang nararapat na pagtuunan ng pansin at bigyan ng natatanging pagtugon.

Halimbawa na lamang sa ating bayan, ang ilog ng Meycauayan ay ibinilang sa prestihiyosong listahan ng limampung pinakamaruruming ilog sa buong mundo. Ito ay isang tunay na kalapastanganan sa ating ibinibidang pintakasi. Basura’y nagkalat, mga puno’t halama’y naglagas na tila ba’y tuluyan na tayong nawalan ng disiplina sa ating mga sarili at higit sa lahat, respeto at pagmamahal sa mga nilikha ng Maykapal.

Nakakalungkot mang isipin subalit wala na tayong iba pang dapat gawin kung hindi ang tugunan at hikayating kumilos ang sambayanan. Pagtulungang muling buhayin at ibalik ang dating anyo at sigla ng ating kalikasan.

Taon-taong pagdiriwang… Ano na ang kinalabasan ng mga panawagang ipinagsisigawan: Simulan ang kalinisan! Ingatan ang kalikasan! Ibalik ang ganda ng Meycauayan!

Sa aking munting pamamaraan; Ako mismo ang kikilos. Magsisikap na isabuhay ang pamantayan ni San Francisco. Kalinisan… Pagmamalasakit sa inang kalikasan… Isang sumpang idiriin sa aking puso’t isipan…Di lamang ngayon kundi sa darating pang mga taon hangga’t di nagkakatotoo ang adhikain na ito sa ating bayan.


No comments: